Infinito: Salinlahi-Chapter 50

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 50 - 50

Matapos malapatan ng orasyon ang sandata. Ay tahimik na silang naghintay habang inihahanda ang mga gagamitin nilang pang-akit sa mga aswang.

"Ano ang bagay na iyan?" Tanong ni Loisa bago inaamoy ang likidong nasa isang bote. Halos maduwal-duwal naman ang dalaga sa naamoy. "Anak ng tupa, Esme, ano iyan? Ang baho, parang amoy ng ta* ng manok na hinalo sa nabubulok na laman ng hayop."

"Tama ka, pero huwag mong maliitin ang likidong ito, dahil para sa mga aswang, isa ito sa pinakamabangong likido. Maaakit silang hanapin at puntahan ang lugar na pinanggalingan ng amoy at doon natin sila sisiluhin. Para lang tayong mangangaso at ito ang pain." Nakangising wika ni Esmeralda bago nilabas ang isa pang sisidlan.

Nang buksan naman ito ni Esmeralda ay tumambad naman sa dalaga ang kulay puting pulbos na walang amoy.

"Ang tawag dito, akonito. Isang uri ng pinulbos na halaman. Matindi ang epekto nito sa aswang dahil kapag ang isang aswang ay nasa anyong halimaw, magagawa ng pulbos na ito na pabalikin ng puwersahan ang nilalang sa pagiging tao nito. Kapag naman nasa katawang tao ito, mapupuwersa naman ang nilalang na magbago ng anyo sa pagiging aswang kahit umaga." Paliwanag ni Esmeralda at ganoon na lamang ang pagkamangha ni Loisa sa mga bagong kaalamang nalalaman mula kay Esmeralda.

"Ibig sabihin maaarni nating magamit ito sa hanagob?"

"Maaari, pero hindi ko alam kung gaano ito kaepektibo sa isang malakas na uri ng aswang, kung karaniwang aswang, paniguradong manghihina, hindi ko pa nasusubukan ito sa isang tulad ng hanagob." sagot ni Esmeralda at ibinigay kay Loisa ang isang maliit na bote ng akonito.

"Huwag mong sagarin ang paggamit ng akonito dahil kakaunti lang ang dala ko. Mahirap din kasing makakuha nito," paalala ni Esmeralda at tumango naman si Loisa.

Matapos ng paghahanda ay matiyaga silang naghintay sa loob ng bahay. Dahil sa mga kaganapan, nakaugalian na ng mga natitirang naninirahan roon ang balewalain ang ingay at mga kaluskos na naririnig sa tuwing sasapit ang dilim. Nagmimistula silang bulag, pipi at bingi dahil alam nila kung ano at sino lang ang may kagagawan nito. Kapag nagtangka silang lumabas o kahit sumilip lang ay siguradong sila na ang magiging hapunan ng mga nilalang ng dilim.

Subalit nang gabing iyon, hindi ang mga kalabang nilalang ang mangangaso, kun'di sina Esmeralda, Dodong at Loisa.

New novel 𝓬hapters are published on ƒreewebɳovel.com.

Nakaupo lang sila sa maliit na sala, tahimik na nagmamatyag sa mga kaluskos na naririnig sa labas. Paglapat ng dilim sa kabuuan ng kalangitan, siya namang pagkilos ni Esmeralda. Mula sa isang maliit na palanggana, gumawa siya ng siga at nagsunog roon ng ibat-ibang uri ng dahon, magkakasunod niyang inilagay sa apoy ang mga ito at ang panghuli ay ang langis. Umalingasaw ang nakakasulasok na amoy sa hangin kaya naman binuksan ni Dodong ang bintana. Maliit na siwang lang naman ang ginawa ng bata, sapat upang ang usok ay makaalpas mula sa loob.

Naghintay pa sila ng ilang minuto hanggang sa makarinig na sila ng mga hingal at pag-angil sa paligid.

"Nariyan na sila." Wika ni Loisa, bakas sa mukha nito ang kaba, dahil matapos ang ilang taong pagiging bihag ng katapangan niya, ay muli na niya itong mailalabas.

"Sige lang, hayaan mo silang makalapit, hindi tayo magpapagod ngayong gabi, pero babawasan natin ang bilang nila nang hindi nalalaman ng kaniyang Panginoon." Wik naman ni Esmeralda.

"Nakikita ko na sila ate, malapit na sila," sabik na wika ni Dodong. Mabilis nang kumilos ang bata at kinuha ang itak na tila himulma para lang sa kaniya. Tinungo ni Dodong ang likurang parte ng bahay at nasa bungad naman si Esmeralda habang nasa bintana si Loisa.

Nang gabing iyon ay walang kaalam-alam ang mga tao sa nagaganap na laban. Tahimik, pulido at walang awang kinitilan ng buhay ng tatlo ang mga aswang na nagagawi sa kanila. Kung nakikita lang iyon ng iba ay siguradong maghahalo ang gimbal at galit sa sistema nila dahil sa kapangahasan nila na kalabanin ang mga alagad ng hanagob.

Magkahalong saya, pagkasabik at satispaksyon ang naramdaman ni Loisa habang ang itak niya ay humihiwa sa kalamnan ng mga nilalang na noo'y tinutugis niya. Naroroon ang kasiyahang maipaghiganti ang mga kababayan nilang nauna nang napaslang ng mga ito.

"Ano'ng pakiramdam na muli mong nahawakan ang itak mo Berdugo ng Pahunay?" Humihingal at nakangiting tanong ni Esmeralda.

"Masaya, hindi ko maipaliwanag," natatawa pang wika ni Loisa. Sa pagkakataong iyon, tila muli niyang nakita ang sarili sa lupa ng digmaan. Muli niyang nakita ang dahilan kung bakit pa siya nabubuhay ngayon.

"Esme, salamat, dahil muli mo akong hinatak paitaas. Akala ko, hindi ko na muling mararamdaman ang pakiramdam na ito. Akala ko tuluyan na akong magpapasakop sa kadilimang dati-rati'y kalaban ko lamang. Kayo ni Dodong ang nagbalik ng pag-asa sa puso ko. Pasensiya na rin pala sa naging masamang pakikitungo ko sa inyo."

"Wala iyon Ate Loisa, naiintindihan naman namin. At mas maganda nga iyon, basta sa umaga, gano'n pa rin ang trato mo sa amin. Para walang makahalata." Saad naman ni Dodong.

Madaling araw nang tuluyang lumabas si Loisa sa bahay at lumipat ito sa kabila. Nang mga pagkakataong iyon ay tahimik na ang paligid. Walang bakas na naiwan sa labas at palibot ng bahay, maging sa loob ay nakakamanghang walang naiwang bakas roon ang mga aswang. Maging ang mga dugo at katawan nila ay tila mga bulang naglaho.

Kinabukasan, natural na nagising sina Esmeralda at Dodong, namasyal sila sa bayan at tinungo ang mga lugar kung saan lang sila puwedeng mamasyal. Tulas ng dati ay pansin pa rin nila ang tinginan ng mga tao sa kanila. Napansin din nila na halos lalaki na lang ang mga natitira roon at iilan na lang din ang mga babae.

"Ate, napansin mo, bakit kaya puro lalaki ang itinira ng hanagob sa bayang ito? Hindi kaya siya natatakot na mag-aklas ang mga lalaki at matalo siya dahil sa bilang?" Pabulong na tanong ni Dodong.

"Marahil, dahil alam niyang mas malakas siya at pinapakita niya sa mga manunugis na kahit malakas na sila ay wala pa rin silang binatbat."

"May kakayahan ba ang mga hanagob na mangyanggaw, ate?" Muling naitanong ni Dodong at naapiling si Esmeralda. Maging suya ay hindi rin sigurado. Pumasok na rin sa isip niya na ang unang dahilan ay para yanggawin ang mga manunugis na malalakas. Kung magiging tagasunod niya ang mga ito ay siguradong masasakop niya ang susunod na mga bayan.

"Hindi ako sigurado, pero sabi ni Lolo Goryo, ang hanagob ay nabuo dahil sa pinagsamang uri ng bangkilan at Gabunan, malalakas na uri ang mga ito, kung kaya man nilang mang yanggaw, magiging malaking problema iyon." Napapaisip na wika ni Esmeralda.

Sa kanilang paglalakad, hindi nila namalayang narating nila ang isang pinagbabawal na parte ng lugar. Mula roon ay nakarinig sila ng lagaslas ng tubig at mahinang paghinga ng isang tao.

"Ate, mukhang may tao yata." Puna ni Dodong. Parehong malakas ang pakiramdam nila, kaya naman kahit malayo o mahinang huni o kaluskos ay agad nilang nararamdaman.

Marahan nilang tinahak ang maliit na daanang iyon hanggang sa marating nila ang isang malaking ilog. Banayad ang ragasa ng tubig habang ang buong paligid ay tila ba nagmistulang isang paraiso.

"Ang ganda rito ate, bakit kaya ayaw nilang papuntahan ito sa mga dayo?" Tanong ni Dodong. Nang marinig ni Esmeralda ang batang boses ni Dodong ay napangiti siya.

"Maganda, malinis, marahil ay pinoprotektahan nila ang lugar na ito. " Sagot naman ng dalaga.

Habang nag-uusap sila ay muli silang nakarinig ng tunog sa bandang ilog. Tunog na tila may naglalakad at humahawi sa tubig. Napalingon sila at napatda ang kanilnag tingin sa ilog at doon nila nabungaran nag isang matangkad na lalaking walang pang-itaas na umaahon mula roon.

Nakatingin rin ito sa kanila, ang mga mata nito ay kasing-dilim ng gabi subalit may kislap roon na tila umaakit sa kanila. Mahaba ang buhok nitong sumasayad sa balikat, maganda ang hubog ng katawan at bakas rito ang pagiging batak sa laban. Nakasuot ito ng maong na pang-ilalim kaya ang unang hula nilang isa itong engkanto ay nawala.

"Sino kayo?" Tanong ng lalaki, malaki at baritono ang boses nito, dahil sa pagkabigla ay saglit na tila nawalan ng sasabihin si Esmeralda. Kung hindi pa siya kinurot ni Dodong ay paniguradong nakatulala lamang siya sa mukha ng binatang iyon.

"Ha? Ano nga ulit ang tanong mo?"

"Mga dayo ba kayo? Ngayon ko lang kayo nakita rito. Hindi ba nila sinabi na bawal ang mga tao sa gawing ito?" Muling tanong ng lalaki.

"Ha? Ah, pasensiya na napasarap kami sa paglalakad nitong kapatid ko. Nasabi naman nila, sadyang hindi lang namin namalayan na nakarating na pala kami rito. At oo, dayo kami, apat na araw lang naman kami rito, pagkatapos no'n uuwi na rin kami sa bayan namin." Nakangiti nang tugon ni Esmeralda.

"Gano'n ba, ang mabuti pa, bumalik na kayo, hindi kayo maaaring magtagal rito. Sasamahan ko na kayo palabas para hindi na kayo maligaw." Dinampot ng lalaki ang damit nitong nakasabit sa itaas ng puno at isinuot iyon. Tila alintana rito ang basa nitong pang-ibaba at walang lingon-lingon nang nilisan ang ilog na iyon.

Wala namang nagawa sina Esmeralda kun'di ang sumunod rito.

Nagkatinginan pa sila ni Dodong at bahagyang napatango. Ramdam kasi nila ang negatibong awra na nagmumula sa katawan ng binata, kabaligtaran ng maamo at maganda nitong mukha.