©NovelBuddy
Infinito: Salinlahi-Chapter 90
Chapter 90 - 90
Dinampot ni Liyab ang mutya ng haring hanagob at pinakatitigan ito. Sa wakas, ay natalo rin nila ang matagal nang nagpapahirap sa kanila.
Nang magtama ang paningin nila ni Esmeralda ay nagkangitian sila. Sa unang pagkakataon ay nagyakap ang magkapatid at ibinuhos nila sa isa't isa ang nararamdaman nilang pagluluksa.
"Umuwi na tayo," saad ni Harani. Nang lingunin nila ito ay nakangiti na ang ginang sa kanila. Bakas na sa mukha nito ang kaligayahan, maaliwalas at napakaamo ng mukha nito, tila nabura ang kaninang imahe niyang puro galit at poot lamang.
"Tiya, nakakapagsalita ka na ng normal?"
"Sinadya ko talagang gawin iyon. Ang limitahan ang sarili ko sa pagsasalita upang mapalakas ang kapangyarihan ng isnag buyagan sa aking sarili para lang sa araw na ito. Ang sabi ko, sa oras na makamit ko ang hustisya ay babalik na rin ako sa dati. Salamat at nakasama ko kayo Esme, Liyab." Tugon ni Harani.
Matapos ang tagpong iyon ay muli nang binuksan ng kuraret ang lagusan. Sa pagkakataong iyon, konektado na ito sa kabundukan ng luntian.
Paglabas ng lagusan ay nagmadali naman silang bumalik sa bahay ni Ismael.
"Sigurado ka bang makakabalik agad sina Mateo bago sumikat ang araw?" Tanong ni Esmeralda.
"Oo, kasama nila si Hagnaya at siya na ang bahalang magbukas ng lagusan matapos nilang sunduin ang mag-ama." Sagot naman ni Liyab. Tumango si Esmeralda at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Nakaupo naman si Dodong at Maliya sa kariton ng kuraret.
Papasikat na rin ang bukang-liwayway nang marating nila ang bayan. Sa labas ay rinig na rinig nila ang palahaw ni Silma.
"Wala na tayong magagawa kun'di ang bigyan sila ng nararapat at maayos na libing. Tumahan ka na Silma, ipanalangin na lamang natin na makabalik sina Esmeralda nang ligtas." Boses iyon ni Ismael.
Napakuyom ng kamao si Esmeralda, mukhang alam na ng tiyahin niya ang totoong nangyari kay Margarita at sa pamilya nito.
Marahang kumatok si Esmeralda sa tarangkahan at nanahimik ang ingay sa loob. Humahangos na lumabas ng bahay si Ismael at agaran silang pinagbuksan.
"Amang, narito na po kami," wika ni Esmeralda. Agad na tumulo ang luha ni Ismael at niyakap ang anak.
"Mabuti naman at ligtas kayo, alam na ng tiya Silma mo ang nangyari. Umatake ang dalawang aswang na nagpanggap bilang si Rita at asawa niya. Mabuti na lang at dumating rito ang lola mo, tumulong rin sina Mateo sa pagtapos sa kanila. Napakagulo dito nang dalawang araw at gabi, marami ang nasalanta ng mga aswang, mabuti na lang at nakahanda ang lahat, walang namat*y pero may iilang nasugatan. Kayo kamusta ang lakad niyo?"
"Tagumpay ang misyon amang, natalo namin ang haring hanagob sa tulong ni Tiya Harani. Amang, salamat naman at hindi kayo nasaktan." Emosyonal na wika ni Esmeralda.
Pumasok na sila sa loob, mabilis namang ipinakilala ni Esmeralda ang mga bago nilang kasama.
"Tumulong rin po sila sa paggapi ng haring hanagob." Wika ni Esmeralda.
Napatitig naman si Ismael kay Uran at manghang inikutan ito.
"Isang kuraret? Tama, isa ka ngang kuraret. Nakakamangha."
"Totoo ba Esme, wala na ang kalaban? Tapos na ba?" Hilam pa ring ng luhang tanong ni Silma.
Tumango si Esmeralda. "Opo Tiya, tapos na po, naipaghiganti na namin sina tiya Rita at ang pamilya niya. Maging ang lahat ng nabiktima nila." Tugon ni Esmeralda.
Tumango-tango naman si Silma at nagyakapan sila ng kaniyang asawa. Pare-pareho silamg walang ulog nang gabing iyon subalit nanatili pa rin silang gising kinabukasan.
Tuluyan nang sumikat ang araw nang makabalik sina Mateo sa bahay nina Ismael. Pabaling-baling naman sa paligid ang paningin nina Mang Ador at Tina.
"Wala nang rason para manatili kayo roon 'Tay Ador, hayaan niyon bigyan namin kayo ng matutuluyan doon sa aming munting pamayanan." Wika ni Esmeralda sa mag-ama.
"Maraming salamat, ang totoo niyan, nagulat ako nang dumating ang mga binatang ito sa bahau at sinasabi nilang sumama na kami sa kanila. Noong una ay nagduda ako, hanggang sa nabanggit nga nila ang pangalan mo." Natutuwang salaysay ni Ador.
"Salamat Mateo!" Nakangiting wika ni Esmeralda. Tumango naman si Mateo at napakamot pa sa ulo.
"Sus, wala 'yon Esme," tugon ng binata at napatawa naman ang dalaga.
Nang mga sandaling iyon nagkaroon naman ng oras si Harani na lapitan si Maliya at Tina. Hinawakan niya ang kamay ng dalawang bata at napangiti.
"Mula sa araw na ito, dito na kayo titira. Magkakasama na tayo doon sa binubuo naming pamayanan." Mahinahong wika ni Harani.
"Talaga po, maaari din bang manatili roon si Uran? Kung hindi po, hindi na rin po ako sasama. Nangako kasi ako sa kaniya na hindi ko siya iiwan." Wika ni Maliya. Napangiti naman si Harani at hinaplos ang ulo ni Maliya.
"Kahit sino maaaring manatili roon. Kahit ano pa siya basta't may mabuting puso." Tugon ni Harani habang napaangat naman ang tingin niya sa kuraret. Saglit niya itong tinapunan ng tingin na sinalubong naman ng nilalang.
"Kung gano'n po, sige po, tsaka gusto ko rin magkaroon ng maraming kaibigang kagaya ni Dodong at Tina. Sabi ni Dodong, maraming bata rito kaya opo, gusto ko po." Masayang wika ni Maliya.
Nang araw ding iyon ay nagkaroon sila ng padasal para sa mga namayapang pamilya nina Ismael. Napuno ng pagdadalamhati amg kanilamg tahanan. Palahaw ni Silma at hikbi ng kanilang ama ang maririnig habang nag-aalay sila ng taimtim na dasal. Tanghali nang magpahinga ang mga ito at tumuloy naman sina Esmeralda pabalik sa bukid.
Pagdating ay agad na silamg nagpahinga. Paglapag ng likod ni Esmeralda sa kaniyang higaan aya agad siyang nakatulog. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakatulog siya nang mahimbing na walang iniisip na panganib sa paligid.
Kinabukasan naman ay namulatan niya ang tinig ni Harani at kaniyang Lola Haraya na nag-uusap tungkol sa dalawang bata. freeωebnovēl.c૦m
"Sa tamang gabay, matutuwid ang landas ni Maliya habang ang kay Tina naman, sadyang mapalad lang siya dahil isang mabuting buyagan ang nagpalaki sa kaniya. Nakausap ko si Tatay Ador at natutuwa siyang malaman na matuturuan si Tina ng kakayahan ng isang manggagamot." Wika ni Harani.
Nasa ganoong pag-uusap na sila nang lumabas si Esmeralda sa kaniyang silid.
"Mabuti naman at gising ka na Esme, halika rito at sabayan mo na kami sa almusal. Dala ito nina Loisa." Saad ni Lola Harani. Ngumiti siya at umupo sa tabi ng kaniyang lola.
"Sasanayin niyo po ang dalawang bata? Ibig sabihin, dito na kayo titira kasama ko?" Sabik na tanong ni Esmeralda.
"Oo Esme, narito ka, at narito rin si Liyab, narito ang natitira pa naming pamilya kaya nagdesisyon kami ni Inay na dumito na lang din. At isa pa, maayos na ang tribo, at dito naman tayo gagawa ng panibago nating angkan. Hindi man sa dugo, pero sa puso at paninindigan." Tugon ni Harani.
"Tungkol naman doon sa dalawang bata, si Maliya, may dugo siyang buyagan, malaki ang potensiyal ng batang iyon, sa murang edad niya ay nagawa niyang makita ang tunay na anyo ng aking mga gabay, gabay iyon ng mga malalakas lamang na buyagan. Samantalang si Tina naman, may dugong albularyo, nakita ko rin ang kakayahan niyang manggamot, mabilis siyang matuto at matalas ang memorya sa mga halamang gamot. Wala akong nakikitang problema dahil hindi naman tumutol si Tatay Ador at ang kuraret na kaibigan ni Maliya." Paliwanag ni Harani.
"At ang lolo naman ni Maria, tuluyan nang tinanggap ang misyon sa kaniya ng mga gabay. Malakas na ang loob niya dahil alam niyang may poprotekta kay Maria sa oras nang panganib. Dito pa lang, nabubuo na ang ating panibagong angkan Esme, isama mo pa ang mga manunugis na magsisilbing kalasag ng ating munting pamayanan." Dugtong naman ni Lola Haraya.
Napangiti si Esmeralda at tila nasabik na makita ang kahihinatnan ng itatayo nilang muning pamayanan. Ngayon pa lang ay nakikinita na niyang magiging tahimik ang buhay nila gayong wala nang hadlang sa lahat ng plano nila. Kung mayro'n man, ay paniguradong handa na sila sa kahit anong kalaban.
Lumipas pa ang mga araw, at muli na ngang nakabalik si Liyab sa kanila. Napag-alaman nilang, tagumpay na nahuli ng mga engkantong kasangga nila ang mga itim na engkantong nagtangkang wasakin ang lagusan sa loob. Matagumpay nilang naikulong ang mga ito sa walang hanggang kadiliman.
"Salamat naman kung gano'n. Wala bang nasaktan sa kanila?" Tanong ni Esmeralda.
"Hindi birong kalaban ang mga itim na engkanto, pero dahil nakapaghanda, nautakan nila ang mga ito kaya wala gaanong nasaktan. Tungkol naman sa mga mutya ng aswang na nakalap mo at ang mutya ng haring hanagob, sabay-sabay silang sinira gamit ang matandang karunungan ng mga engkanto. " Sagot naman ni Liyab.
Nagkatinginan sila at sabay pang napabuntong-hininga.
"Ano na ang plano mo ngayon?" Tanong ni Esmeralda, bahagyang lumungkot ang kaniyang awra. Alam kasi niyang may tungkulin si Liyab sa kaharian nila, iba ang mundo ni Liyab at iba rin ang sa kaniya. Kahit na magkapatid sila, wala pa ring kalayaan ang kanilang pagsasama. At ang tanging magagawa lang nila ay ang magkita sa oras na nakalaan para sa kanila.
"Naiintindihan ko naman ang tungkulin mo sa kaharian, iniwan iyan sa'yo ni ama at kailangan mo iyang gampanan. Ayos lang naman kami rito, kasama ko sina amang, mabait na sa akin ang pamilya ni Tiya Silma, at higit sa lahat, kasama ko sina lola at tiya."
Napangiti si Liyab. Lumapit siya at niyakap ang dalaga, bago ito dinampian ng halik sa ulo.
"Bibisita ako kapag nakakaluwag, isang lagusan lang naman ang magdudugtong sa atin. Sa mga oras na ito, gumagawa na ng ritwal ang mga engkanto upang ilipat ang lagusang pinrotektahan nina ama at ina rito, kung saan malapit sa iyo." Saad ni Liyab at napatango si Esmeralda.
"Mas maigi, maaari ko rin bang bisitahin minsan ang kaharian? Hindi ba magagalit ang mga engkanto sa akin?" Inosenteng tanong ni Esmeralda na nagpatawa kay Liyab.
"Kadugo ka nila, bakit sila magagalit. Hayaan mo, kapag pupunta ka, magpapapiging ako." Biro naman ng binata. Nagtawanan sila at pinagmasdan ang tanawin sa bukid.
Maaliwalas ang lugar na iyon, kung saan payapang nagtatrabaho ang mga magsasaka habang naglalaro naman ang mga bata sa lilim ng mga puno. Kung dati ay bahay lang ni Mateo at Esmeralda ang nakatayo roon, ngayon ay mas dumami pa, nagmistulang maliit na baryo o purok nga ang bukid na pagmamay-ari ni Ka Armando.
Ang kanilang pag-iral ay lubhang ikinatuwa ng mga mamamayan ng Luntian, dahil hindi lang naging tahimik ang lugar nila, pinangingilagan rin sila ng mga masasamang loob, mapatao man o nilalang ng dilim.
Ang masayang buhay na iyon ang siyang pinangarap lang ni Esmeralda noon, ngayon ay abot-kamay na niya. Hindi lang nakumpleto ang pamilya niya, kun'di mas nadagdagan pa. Sa pagdaan pa ng maraming araw, linggo, buwan at taon, ang buhay nila ay magpapatuloy nang matiwasay at puno ng ligaya.
—Wakas—